Mas mahirap nang pumasok ng Canada sa ilalim ng Federal Skilled Workers Program ngayon.
Bukod sa point system na kailangan para maging skilled immigrant, dapat nasa listahan din ng in-demand jobs sa Canada ang trabaho mo sa Pilipinas.
Binawasan na rin ngayon ang in-demand jobs sa Canada, mula sa 39 ay 29 na lamang ito ngayon.
Hindi na kailangan ang mga popular na trabaho noon tulad ng accountants, IT personnel, bank at financial managers at iba pa.
In-demand na trabaho ngayon ay mga health workers, chef, restaurant at service managers at mga nasa construction.
Naglagay na rin ng quota ang immigration Canada: 20,000 skilled workers na lamang ang puwedeng bigyan ng permanent resident status kada taon.
Dahil sa quota, limitado na sa unang 1,000 aplikante mula sa iba't ibang bansa ang tatanggapin nila sa bawat trabaho.
Kung hindi aabot, tanging ang pagkakaroon na lamang ng job offer ang pag-asa ng mga skilled workers para makapasok ng Canada.
Obligado na ring kumuha ng English test ang lahat ng aplikante sa skilled workers program.
Sa website ng Citizenship at Immigration Canada, ipinaliwanag ni Immigration Minister Jason Kenney ang dahilan sa likod ng mga pagbabago.
Kailangan daw bawasan ang backlog para mapabilis ang proseso ng mga nakaraang applications at nagbago na rin daw ang labor needs ng Canada. – Marieton Pacheco, Patrol ng Pilipino
09/15/2010 10:08 PM