Kumusta na sa lahat ng andito, medyo ang tagal ko ring di nabisita ang forum na ito. Eh pano, matinding depresyon ang pinagdaanan ng lola nyo simula ng dumating dito sa Canada, July last year. katulad ng kwento ni Spankfire at iba pang ka-forums na dumating na dito. Magkukwento din ako tulad ni Spankfire. Sa Pilipinas, nagtuturo ako sa UP for almost 2 decades at dahil nabagot ako sa pagtuturo, nag desisyong sumubok pumunta dito sa Canada. ALam nyo ano ang naging trabaho ko pagdating? CLEANER ng isang pub, kasama ko si hubby,4:30 ng umaga kami naglilinis araw-araw sa pub. Sya sa kitchen at floor. ako naman sa bar at washrooms. Isipin nyo kung gaano ka dugyot ang mga washrooms, halos bumaliktad ang sikmura ko sa simula. Tapos may Pilipinong nagpasok sa akin sa isang hotel bilang housekeeper. At pinagsabay ko ang 2 work sa loob ng isang buwan para lang di mabawasan yung baon naming pera. 4:30 nasa pub ako tapos 8 ng umaga nasa hotel. Tsk, tsk. 30 minutos lang lilinisin ang isang room sa hotel, mantakin nyo, 16 rooms sa loob ng 8 oras. sobrang manual labor talaga, daig ko pa ata ang magsasaka. sobrang back-breaking at nerve-wracking ng trabaho, lalo na kung puro check-outs ang lilinisin mo. So, anong nangyari sa pride at self-worth ko? sobrang eroded, napulbos nga ata, mula sa pagiging propesor napunta sa pagiging utility worker at Inday minion(yung uniform ko sa hotel katulad nung suot ng katulong na minion). For 4 months lutang ang utak ko, wala akong konsepto ng future. maka-survive lang sa maghapon ang hangad ko. Maaring coping mechanism ito sa sobra-sobrang depresyong pinagdaanan ko. Very disruptive ang pakiramdam ( culture shock is an understatement). Nakakabaliw! hinanap ko ang tilaok ng manok maging langaw, bakit sila wala. Para akong aso na nawalan ng teritoryo at naputulan ng buntot. Pero alam nyo, sa kabila ng nakakabaliw na depresyon at kahit sobrang naghihimagsik ang aking kalooban at isipan habang naglilinis sa hotel nakakuha ako ng papuri sa aking manager na puti. makailang ulit akong nasasabihan ng "excellent", "i know you dont want to be a housekeeper but i am glad we found you, you're a good cleaner". Na-realize ko na posible palang gawing perpekto at mahusay ang isang bagay kahit sobra ang disgusto mo at may matinding pinagdadaanan. Pano pa kung yung gusto at pangarap mo ang tatrabahuin mo. Alam nyo imbis na piliin ko palaging panghinaan ng loob, to feel defeated and trapped, pinili kong kumuha ng panibagong lakas at motivation sa pinagdadaanan ko. I was inspired! kung nakaya kong maging magaling na housekeeper, kaya ko ring maging mahusay na accountant balang araw dito. Kumuha ako ng Academic IELTS at nag-review ako ng husto nung December habang mahina ang hotel at wala akong duty palagi. Nakakuha ako ng mataas na score na higit pa sa hinihingi ng Unibersidad. Mahirap ang exam ngunit nag sikap ako. Ngayon, papasok na ako sa University of British Columbia, panibagong career sa Accounting ang kukunin ko this May. Sa awa ng Diyos nakakuha ako ng student loan at kasalukuyang naghihintay ng resulta sa isang scholarship grant. Nagtatrabaho pa rin ako sa hotel, at may 2 akong anak na inaalagaan, isang 6 na taon at isang 13 anyos. marami akong obligasyon pero di ko pwedeng isang tabi ang aking pangarap na bumuti ang aming buhay dito sa Canada. Di ko maalagaan ng husto ang mga anak ko at ang aking asawa kung wala akong personal fulfillment. 44 anyos na ako, matanda na sabi nila, pero what the heck! Ayaw kong mamatay na pinagsisihan pa rin kung bakit di ko inilaban ang aking pangarap. I am willing to struggle, bring it on! Habang dumadami ang hirap na pinagdadaanan ko, lalong lumalakas ang loob ko na kamtin ang tagumpay! I want to create a great narrative for myself!Kaya natin ito mga kapatid, mahalaga kung paano natin tingnan at i- interpret ang ating mga karanasan sa bansang ito. Ang hirap ay kakambal ng buhay kahit saan tayo pumunta, di natin ito matatakasan, bakit di natin ito gawing kakampi!